Madami ang nagtataka sa mga kaibigan ko at maging sa aking mga kapamilya kung bakit kung kelan daw ako tumanda e doon pa ako nagdesisyon na magpalit ng relihiyon...ang maging buddhist. Ipinanganak kasi akong Kristyanong Katoliko, laking simbahan..paaral ng simbahan. Naging Kristyanong Pentokostal sa mga panahong itinaya namin ang kalusugan ng isang mahal sa buhay sa kapangyarihan ng panalangin. Hindi ako ordinaryong Kristyano dahil pinag-aralan ko ang aking relihiyon...ang kanyang kasaysayan, pinagmulan at ang angking dahilan ng kanyang pagkatatag. Laman ako ng mga diskurso ng bibliya sa lingguhang pagsamba at sumasama sa mga gawaing magpapalago sa espiritwalisasyon ng aking sektang kinabibilangan. Ang mga ito ay sa panahon ng aking kabataan. Panahon ng aking kabanalan.
Namulat ako sa kasaysayan ng lansangan at sosyalihiyang pagtukoy sa ugat ng pagkaapi at kahirapan. Naging bahagi ng mga aktibong samahang ang nais ay ipahayag ang karapatang sinisikil ng lipunang kumikilala sa kapangyarihan ng iilan at tumatalikod sa katarungan. Mga panahong kahit ang manalangin sa diyos ay nagiging isang ritwal na lamang. Mga suntok sa buwang sa dako roon ay may makikinig...may makikialam. Panahon ng Realisasyon ng buhay.
Pinasok ko ang tunay na mundo na kung saan ang buhay bagamat sagrado ay punong puno ng kawalan maliban sa bulok na sistema ng gobyerno, maruming pulitika, bagsak na ekonomiya, kwestyonableng pamantayang moral at mababang dignidad o pagkatao. Hinanap ko ang Diyos, pero di sya nagpaparamdam. Marahil kahit sya napagod na rin sa kanyang nakikita. Lumaban lang ako sa buhay. Nadapa, tumayo, nadapa muli, tumayo muli...pero ni anino nya...wala. Napagod din akong maghanap. Sumukong umasa. Lumimot. Nagsarili. Nag-isa.
Sa kalagitnaan ng nakabibinging katahimikan ng aking pag-iisa, may isang nakabibinging bulong ang aking narinig..at nagwika..ANG DIYOS AY MABUTI. ANG DIYOS AY MATUWID.
At dahil dito, hinanap ko muli ang diyos...at natagpuan ko sya. Wala sa malayo. Wala sa hinagap. Di ka maniniwala sa sasabihin ko..matapos ang may sampung taong paglimot at ilang taong paghahanap...natagpuan ko sya sa aking sarili.
Di sya umalis. Di lumimot. Nandito lang sya.
Sa panahong ito ay nag-aaral ako ng Budismo sa SGI Phils.-isang sekta sa ilalim ng relihiyong Budismo na naniniwala sa kahalagahan ng buhay at espiritu. Katuruang ang sarili ang tanging makapagpapalaya sa sariling pagkabilango sa kung anuman. Na ang bawat isa ay may taglay na kapangyarihan na baguhin ang kanyang sarili para sa kasalukuyang buhay at sa buhay na darating. Paniniwalang kung ano ang gusto mong maging kalagayan sa buhay mo...tingnan mo kung anong klase ng pamumuhay meron ka ngayon. At kung ano ang susunod..tingnan mo ang kasalukuyan.
At dito ko naalala ang bulong ng diyos. ANG DIYOS AY MABUTI. ANG DIYOS AY MATUWID.
Sapagkat sa katuruang aking kinamulatan na para sa DIYOS ang mabuti ay may gantimpala ng langit at ang masama ay may parusa ng impyerno...walang BUTI O MATUWID ang diyos na ito. Na sa kalagitnaan ng hirap at dusang dinanas sa imperpektong mundong kanyang nilikha...parusa pa ang mapapala. Hindi sapat na tayo ay may layang pumili ng tama at mali. Tumimbang ng katwiran. Magsagawa ng kabutihan....sapagkat kung nagkagayong SA KATWIRAN AT BUTI NG DIYOS AY GINAWA NYANG PERPEKTO ANG BUHAY...ano pang higit na buti eto para sa lahat ng kanyang nilikha.
Ngayon higit kung naunawaan ang kabutihan at katwiran ng diyos. Ang pagkalalang sa akin ay may kaakibat na misyon. Ang maging Buddha o ang kalagayan ng buhay na kung saan ay nagtatamo ka ng wastong buti at katwiran-ayon sa wangis ng diyos na sa yo ay lumikha. Na kung ako ay nabubuhay ngayon sa gitna ng kahirapan at may buting idinudulot pa rin sa aking sarili at kapwa...maaring ang susunod kung kalagayan ay mas wasto at mas may katarungan.
ANG DIYOS AY MABUTI. ANG DIYOS AY MATUWID. WALA NGA LANG RELIHIYON ANG MAKAPAGSASABING SILA LANG ANG MAY DIYOS NA GANITO.
Tags:
Share
You need to be a member of CaNdELaRiAnS to add comments!
Join this Ning Network